Tuesday, June 5, 2012

Complicated Cupid Chapter 02



Story Cover by: WinwinTowtz

by: Zildjian
email: zildjianace@gmail.com
Author's Note:

Uhoy! 8 Chapters more to go! Hahaha!


Ito na po ang chapter 2 ng Complicated Cupid. Kasing komplikado ng title nito ang kwento ng dalawang kurimaw na wala ng ibang alam kung hindi ang mag-away HAHA. Enjoy nalang po sa pagbabasa at huwag sanang kalimutan ang mag-comment. Iyon ang palatandaan ko na nagugustohan niyo ang kwento. :D

May naalala pala ako ngayon-ngayon lang LOL. Sa mga tao palang naghihintay ng kwento ni Nhad, asahan niyong iyon ang susunod pagkatapos nito. Ang time frame kasi ng estorya nina Nicollo ay kapareho ng time frame kung saan nagluluksa si Kenneth HAHAHA. Kaya ito ang isinunod ko sa Make Believe. ^__^ Ingat kayo!!!


DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to any person, place, or written works are purely coincidental. The author retains all rights to the work, and requests that in any use of this material that my rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner without my permission.




Inilibot ni Nicollo ang kanyang paningin sa kabuuan ng lugar. Probinsiyang-probinsiya ang dating nito at malayo sa sibilisasyon. Mula sa highway ay isang oras pa ang biniyahe nila papasok sa baryong iyon. Mabuti na lang at mataas ang gulong ng kanyang Montero dahil kung sakaling hindi ay malamang na stock na sila sa mga nadaanang butas sa kalsada. The place is surrounded with green fields wala siyang ibang nakita kanina kung hindi ibon, napakaraming puno ng niyog, kalabaw at mga palayan. Gusto na niya sanang umatras, pero naalala niya ang naging kasunduan nila ni Lantis na kapag umatras siya ibig sabihin ay talo siya sa kasunduan nila.


Inakala niyang remote area ang pupuntahan nila kung hindi pa nila nadadaanan kanina ang mga kabahayan na sa tingin niya ay ang poblacion ng lugar na iyon. Pero iba pa rin ang lugar na iyon para sa kanya. Mas malala pa iyon sa lugar ng mga kaibigan niyang sina Alex, Jay at Maki.


Muli niyang binigyan ng pansin ang bahay na nasa gitna ng isang malawak na palayan. Kung tutuusin napakapreskong tingnan ng bahay na iyon. Malawak ang bakuran nito na napapalibutan ng bakod na gawa sa kawayan. Isama mo pa ang katahimikan na gustong-gusto niya, hindi na masama na napunta siya doon.


“Dito mo na lang iwan ang sasakyan mo.” Kapagkuwan ay wika ni Lantis.


“I just can’t leave it here!” Protesta niya.


“Kung gano’n, magsama kayo rito nitong sasakyan mo.” Tugon nito sa kanya kasabay ng pagbaba nito ng sasakyan bitbit ang pusang laging dahilan ng iringan nila.


Hindi niya mapigilan ang impit na mapamura.  Monster talaga itong isang ito at walang konsensiya pagdating sa kanya. Napilitan na lang siyang bumaba na rin ng sasakyan. Wala naman siyang balak maiwang mag-isa roon.


Habang hirap na hirap siya sa pagbalanse ng kanyang katawan makatawid lang sa makipot na pilapil na iyon sa gitna ng palayan, ay hindi niya maiwasang mapansin si Lantis. Halatang sanay ito sa pagtawid na para bang doon na ito lumaki. Napakunot ang noo niya, hindi niya dapat ito pinupuri.


Kapag monster talaga, lahat kayang gawin. Ang pabulong niyang sabi.


“May sinasabi ka?” Biglang harap sa kanya ni Lantis.


“Guni-guni mo lang iyon. Bilisan mo na nga ang paglalakad at baka tuluyan na akong mahulog dito.” Hirap na hirap na talaga siyang balansehin ang sarili hindi lang tuluyang mahulog sa mga bagong tanim na palay.  Paniguradong lalangoy siya sa putikan kapag nagkataon.


Ngunit imbes na sundin siya nito at kaawaan sa kanyang tinatamasang pakikibaka sa makipot na daan ay lalo lamang nitong binagalan ang pagtawid.


“Hindi ka ba talaga marunong maawa o sadyang matigas lang talaga ang ulo mo?” Asar niyang sabi.


“Wala akong makitang rason para kaawaan ang isang katulad mo. Besides, I’m intentionally making you suffer so that you can leave me and my Karupin alone.” Nakatalikod nitong tugon sa kanya.


“Monster!” Punong-puno ng pagkapikon niyang sabi.


“Good for nothing bastard!” Ganti naman nitong tugon.


Hanggang sa tuluyan silang makatawid sa pilapil na iyon ay hindi na nabalik sa normal ang pakiramdam niya. Ibayong iritasyon ang nararamdaman niya para kay Lantis. Ngayon lang siya nakaramdam ng gano’n sa loob ng ilang taon nilang palaging pagbabangayan. Marahil dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lang siya naubusan ng ipambabara rito.


Malugod silang sinalubong ng yaya nito na nakikilala pa niya sa kabila ng malaking pagbabago sa hitsura nito dala ng edad. He was 12 years old no’ng huling makita niya ito. Nasisiguro niyang lampas singkwenta na ito ngayon base sa hitsura nito.


“Hindi ko inaasahan na bibisitahin mo ako rito Lantis, anak at isinama mo pa talaga itong si Nicollo.” Binalingan siya nito. “Tama nga ang sapantaha kong lalaki kang napakakisig, Nico.”


Pilit na ngiti ang ibinaling niya sa matanda. Noon pa man, ay lagi na siya nitong pinupuri sa tuwing lalabas siya ng bahay at naroon ito.


“Naynay, ayos lang ba kung dito lang muna ako sa inyo ng mga ilang araw?” Pagsingit ni Lantis.


“Aba s’yempre ayos lang. Kay tagal na rin nang muli kitang makita anak. Teka, ‘wag mong sabihin na hanggang ngayon ay ––”


“Maraming salamat po naynay.” Ang pagputol nito sa iba pang sasabihin sana ng dating yaya nito.


Natural, na-curious siya sa kung ano ang gustong sabihin ng yaya ni Lantis, batid niya kasing may kinalaman iyon sa taong iniiwasan nito pero ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon. Ayaw niyang lumabas na tsismoso at lalong ayaw niyang makialam sa kung anumang problema ng mortal niyang kaaway.


Napansin niya ang nakasilip na batang babae mula sa kusina ng bahay. Tingin niya ay nasa anim na taong gulang pa lamang ito.


“Siya ang bunso namin.” Biglang wika ni Aleng Melissa. “Bunso, halika rito, ipapakilala kita kay kuya Lantis at Kuya Nico mo.”


May pag-aalinlangan naman itong lumapit sa ina nito.


“Ito ang bunso ko, si Sheila. Ang dalawang panganay ko ay nasa labas at tinutulungan ang ama nila sa bukid namin. Pabalik na ang mga iyon at nasisiguro kong matutuwa silang makita ka ulit Lantis, lalo na si Popoy ko.”


“Kamusta na pala si Popoy, naynay? May katagalan ko na siyang hindi nakikita, ah.”


“Ayon at tulad mo ay malaki na rin ang pinagbago. Siya ang katulong ng tatay niya sa pangangalaga sa bukid at mga kabalaw namin kapag may pasok si Rodney.”


“Ilang taon na ba ngayon si Rodney, nay?”


“Binata na rin ang isang iyon anak, magse-seventeen na siya ngayong taon.” Nakangiting tugon ng yaya nito.


“Binata na nga. No’ng huling bisita ko rito ay uhugin pa ang isang iyon, ah.”


Dahil hindi naman siya makasabay sa usapan ng dalawa ay pinili na lang niyang manahimik. Panaka niyang sinusulyapan si Lantis na masayang nakikipag-usap sa yaya nito. Doon lang niya nakita ang mga ngiti nito habang binabalikan ng dalawa ang mga panahon kung saan pareho pa silang bata ni Lantis. At aaminin niyang mas bagay rito ang nakangiti.


Ilang minuto pa ang itinagal ng usapan ng dalawa hanggang sa dumating na nga ang mga taong pinag-uusapan ng mga ito. Ka-edad lang nila ang panganay na anak ng mga ito na minsan na niyang nakita noong maliit pa sila. Ito ang batang lagi niyang nakikitang kalaro ni Lantis sa loob ng bakuran ng bahay ng mga ito noon.


Halatang matagal na panahon na ngang hindi nagkikita ang dalawa dahil hindi magkamayaw ang mga ito sa kamustahan. Napasimangot siya, paano natatagalan ng Popoy na iyon ang napakasamang ugali ni Lantis.


“Rodney, halika at samahan mo akong hulihin ang isa mga inahin natin nang maipagluto natin ng masarap na ulam ang kuya Lantis at kuya Nico mo.” Wika ng asawa ni Aleng Melissa na si Mang Andoy.


“P’wede ho ba akong sumama?” Pagpresenta niya. Ang totoo, gusto lamang niyang umiwas na makita ang masayang pag-uusap nina Lantis at Popoy. Lalo lang kasi siyang naasar sa katotohanang sa kanya lang talaga masama ang ugali nito.


May pag-aalinlangan itong bumaling ng tingin kay Lantis at sa asawa nito.


“Anak, dumito ka na lang at baka madumihan pa iyang damit mo. Tsaka, hindi ‘ata bagay sa ‘yo ang makipaghabulan sa mga manok namin.” Hindi naman siya nakaramdam ng pagkainsulto sa sinabi ni Aleng Melissa. Batid niyang sinsero ang pag-aalala nito sa kanya.


“Hayaan niyo siya naynay, malaki na ‘yan, alam na niya ang dapat at hindi dapat para sa kanya.” Biglang sabat ni Lantis. Pinukol niya ito ng masamang tingin bago binalingan ang matanda.


“Huwag ho kayong mag-aalala sa akin. Sa isang monster nga ay nakakaya kong tumagal, sa manok pa kaya?” Ang may pasaring niyang wika na nilakipan pa niya ng ngising nakakagago.


Kita niya ang pagdilim ng anyo ni Lantis kaya bago pa ito muling makahirit sa kanya ay nagpatiuna na siyang lumabas sa bahay na iyon.


“May hindi ba kayo pagkakaunawan, Lantis?” Narinig pa niyang wika ni Aling Melissa bago siya tuluyang makalayo sa mga ito.






Malaki talaga ang pinagkaiba ng lugar na pinagmulan niya sa lugar kung saan sila naroon ngayon. Kung sa kanila ay ang normal na hapunan ay alas-siyete-y-media, sa lugar na iyon ay alas-sais palang ay naghahapunan na ang mga tao. Tanging ang ilaw na nagmumula sa mga lamparilya ang nagbibigay liwanag sa kabuohan ng bahay.


“Nico anak, kumain ka ng marami.” Ang wika ng yaya ni Lantis.


Sa totoo lang, nakaramdam siya ng inggit sa pamilya nito. Hindi naging hadlang ang kakulangan ng liwanag at hirap ng buhay para hindi ang mga ito sabay-sabay na umupo sa hapag at magkakasamang kumain. Sila, kahit hindi sila naghihirap sa buhay at kahit maliwanag ang buong kabahayan nila ay hindi nila magawang kumain ng sabay-sabay dahil masyadong abala ang mga magulang niya sa mga negosyo ng mga ito at trabaho. Kaya nga niya minabuting magtayo ng sarili niyang negosyo para kahit papaano ay mailihis niya ang sarili sa katotohanang iyon.


May mga magulang man ay pakiramdam niya ay nag-iisa pa rin siya. Ilang beses nga ba siyang kumain sa napakahabang mesa nila sa bahay ng mag-isa? Ilang family day na nga ba sa mga paaralan niya ang nag-daan na hindi niya magawang maka-attend dala ng hiya na wala siyang mabibitbit na magulang? Pero kahit kailan ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa mga ito. Inintindi niya ang mga magulang dahil alam niyang para rin naman sa kanya kung bakit nagpapakakuba ito sa pagtatrabaho. Ngunit ngayon, habang pinagmamasdan niya ang masayang pamilyang iyon sa hapag ay hindi niya maiwasang makadama ng inggit.


“Nico.” Ang narinig niyang tawag ni Lantis sa pangalan niya. Doon lang niya napansin na inaabot pala ni Aling Melissa ang mangkok na may lamang ulam na ito mismo ang nagluto.


“S-Salamat po.”


Sa di malamang kadahilanan ay hindi sinasadyang napatingin siya sa gawi ni Lantis, nahuli niya itong matamang nakatitig sa kanya  dahilan para mapaiwas siya ng tingin. For some strange reason natakot siya sa p’wedeng makita sa kanya ni Lantis sa mga oras na iyon.


“Siya nga pala Lantis anak, bakit hindi kayo naghihiwalay niyang pusang ‘yan?”


“Baka po may kumuhang hindi tao naynay, eh.”


Batid niyang siya ang pinapatamaan nito.


“Hindi tao? Maligno ba anak?” Inosenteng tanong naman ng ginang. Walang kaalam-alam na siya ang pinapatamaan ng walang budhing si Lantis.


“Lamang-lupa po na nagpapanggap na tao, nay.”


“Naku, marami niyan dito sa amin, Lantis.” Sabat naman ni Popoy.


“Oo nga, yung kaklase ko nga sinapian ng duwende, eh.” Gatong pa ni Rodney.


“Takot ako, nay.” Ani naman ng bunsong si Sheila.


“’Wag kang matakot anak, hindi papayagan ni tatay na may makapasok na lamang lupa o kahit na ano pa mang masasamang elemento dito sa bahay natin.” Ani naman ni Mang Andoy.


“Nakapasok na po.” Sabi niya at pasimpleng binalingan si Lantis. “Mas malala pa po sa mga lamang-lupa ang napakasok dito sa bahay niyo.”


“May pinatatamaan ka ba?” Asik sa kanya ni Lantis.


“Bakit, tinamaan ka ba? Bah, masama na ‘yan, mukhang paunti-unti mo nang natatanggap ang masamang katotohanan na hindi ka tao kung hindi isang monster.”


Napatawa ng malakas sina Rodney at Popoy habang ang mag-asawa ay napailing na lang. Sinadya niyang hindi na muling balingan ng tingin si Lantis para hindi na ito makaganti pa.


“Kayong mga bata talaga, puro kayo kalokohan.” Napapailing na wika ni Aling Melissa.


Natapos ang hapunan na iyon na hindi na muling umimik pa si Lantis na ipinagpasalamat naman niya ng husto dahil sa sobra siyang ginanahan sa pagkain ng tinolang manok na sila mismo ang humuli kanina.


“Nico, magtabi na lang kayo ni Lantis doon sa k’warto ni Popoy at Rodney.” Wika ni Aling Melissa.


“Diyan siya matutulog sa sala, naynay. Kami ni Karupin ang magkatabing matutulog.” Sabat naman ni Lantis.


“Lantis naman. Uunahin mo pa ba ang pusa mo kesa sa kaibigan mo?” Protesta ng ginang.


“Wala akong kaibigan na hindi tao.”


“Lantis.” May pagsaway sa tono ng boses nito.


“Ayos lang po. Ayaw ko rin namang makipagtabi sa isang impakto, Aling Melissa. Doon na lang ako sa  sasakyan ko matutulog.”


“Pero anak, ilang araw din kayong pipirmi dito sa bahay. Hindi naman ‘ata maganda na sa bawat gabi ay doon ka matutulog sa sasakyan mo. Baka kung ano ang mangyari sa’yo roon.”


“Ayos lang ho ako, ‘wag kayong gaanong mag-alala sa akin.”


“Naku, hindi ako papayag.” Matatag nitong sabi. “Lantis, matutulog katabi mo itong si Nico.” May bahid ng pag-uutos nitong wika.


“Naynay ––”


“Hindi. Kung anuman iyang hindi niyo pagkakaunawaan ay kakalimutan niyo sa gabi at magkatabi kayong matutulog.”


“Pero naynay ––”


“Walang pero pero Lantis. Hala sige na, matulog na kayo at gabi na.” At agad na itong umalis at pumasok sa k’warto kasama ang asawa at ang bunsong anak nito.


Aaminin niya, lihim siyang nagbunyi nang makita ang pagkatalo sa mga mata ni Lantis bago ito walang imik na pumasok sa k’warto. Subalit siya man ay hindi rin kumportable na makatabi itong matulog ngunit bago pa siya makapag-isip ng dahilan kung bakit, ay muling nagbalik sa kanya ang nakaraan kung saan nag-iinuman sila noon na magkakaibigan.


“Alam  niyo, nawewerduhan na ako diyan kay Alex. Sa tingin niyo ba bakla siya?” Ang lasing na wika ni Maki.


“Bakit naman natin pakikialaman kung ano ang kasarian ni Alex? Hindi ba’t kaya naman natin siya nagustuhan dahil sa pagiging masipag at totoo niya sa sarili hindi dahil sa lalaki siya?” Usal naman ni Lantis.


“Tama si Lantis, Mak-Mak. Hindi na importante kung ano pa man ang kasarian ni Alex. Kung ako nga natanggap niyo na tagilid din ang kasarian ko, iyon pa kaya.”


“Tagilid ka rin? Akala ko nagpapanggap ka lang, eh.” Ani ni Maki.


“Batukan kaya kita riyan. Matagal ko nang alam na hindi babae ang type ko, noh.”


“Eh, sino naman ang type mo?”


“Yung klasmate natin. Yung captain ng basketball.” Ang tila nangangarap nitong sabi.


“Ang landi mo! Ang dami pa namang nagkakacrush sa ‘yong babae.”


“Inggit ka lang dahil ‘di ikaw ang crush ko.”


“Hindi rin naman kita papatulan kaya mabuti na lang. Kayo, Lantis at Nico baka may gusto rin kayong aminin. Sabihin niyo na ngayon para wala na tayong lihiman pa.”


“Wala akong aaminin sa ‘yo.” Kapagkuwan ay wika niya.


“May mahal na ako.” Wala naman sa sariling wika ni Lantis. “Pero hindi ko sasabihin sa inyo.”


Para silang nahimasmasan sa sinabi nito. Kahit ang tulog na tulog na si Alex dala ng kalasingan mula sa isang tagay na ininom nito ay bahagya pang umungol. Hindi sila makapaniwala na ang palaging aburido at masungit na si Lantis ay marunong palang magmahal.


“Sure ka ba diyan?” Diskumpyadong tanong ni Maki. “Baka dala lang yan ng tama mo.”


“Sigurado ako.”


“Wala naman kaming nakikitang babaeng dinidikitan mo, ah.” Wika naman ni Jay.


“’Wag mong sabihin na lalaki rin ang tipo mo?”


“At anong masama kung lalaki nga ang tipo ko?” Asik nito sa kanila at dahil doon ay minabuti na lang nilang hayaan na ito. Alam kasi nilang hindi magandang ideya ang tuluyan itong pikunin.


Sa k’wentong lasing na iyon nagsimula ang lahat. Matapos ang gabi ng aminan na iyon ay nagsimula na ang tuksuhan. Si Jay kay Maki at siya kay Lantis. No’ng una ay ayos lang sa kanya dahil silang lima lang naman ang tanging nakakaalam sa kalokohan na iyon at batid naman niyang biruan lang nilang magkakaibigan iyon subalit, habang naglalaon ay parang paunti-unti na ring umuukit sa kanyang isip ang posibilidad na isa rin siyang alanganin.


Hinilot niya ang kanyang ulo. Hanggang ngayon talaga ay hindi pa rin niya alam kung ano ba talaga siya at kung ano ba talaga ang gusto niya. Hindi pa naman siguro siya bading dahil wala pa naman siyang nagugustuhang lalaki.


Wala nga ba? Biglang tanong ng isang bahagi ng isipan niya.



Ipiniling niya ang kanyang ulo. Nababaliw na ‘ata siya o baka tuluyan na nga siyang nadala sa biruan nilang magkakaibigan. Tinungo niya ang k’warto nila ni Lantis. Nakahiga ito patagilid paharap sa dingding. Minabuti niyang hindi makagawa ng ingay at kumuha ng unan. Doon na lang siya sa sala matutulog.






Nicollo’s first night was a disaster. Hindi siya nakatulog ng mabuti dahil bukod sa namamahay siya ay sobrang tigas ng napili niyang higaan - ang mahabang upuan sa sala ng bahay na tinutuluyan nila ngayon ni Lantis.


Alas-singko-y-media pa lang ng madaling araw at hindi pa gaanong maliwanag sa labas ngunit sa lugar na iyon nagsisimula na ang buhay ng mga tao. Paglabas niya ay agad niyang nakita si Aling Melissa na nagwawalis ng mga nagkalat na dahon sa bakuran nila. Habang ang dalawang anak naman nito ay abala sa pagsisibak ng kahoy na malamang ay gagamitin bilang panggatong.


“Nico anak, ang aga mo naman ‘atang nagising?” Pagpansin sa kanya ni Aling Melissa. “At bakit sa sala ka natulog? Kayo talagang mga bata kayo.”


“May maitutulong ho ba ako Aling Melissa?” Hindi niya pagpansin sa naging katanungan nito. Ayaw niya nang palakihin pa ang issue patungkol sa kanila ni Lantis. Ang importante, kahit disaster ang unang gabi niya sa probinsiyang iyon ay nagawa naman niyang tumagal at nasisiguro niyang magagawa pa niyang magtiis ng mga ilang araw.


“Naku, hayaan mo na anak. Tara sa loob at nang makapagkape ka na. Ano ba ang gusto mong almusal?”


Medyo nakaramdam siya ng hiya. Hindi naman ‘ata porke’t dahil bisita sila doon ay hindi na sila tutulong. Hindi man siya sanay sa mga gawaing bahay ay may natutunan naman siya tungkol sa tamang ugali ng mga taong nakikituloy tulad niya. Kaya imbes na sundin ito ay linapitan niya sina Rodney at Popoy.


“May maitutulong ba ako?”


Napaangat ng tingin sa kanya si Popoy at bahagyang binigyan siya ng isang alanganing ngiti na para bang ito pa ang nahihiya sa kanya.


“P’wede ko bang subukan ‘yan?” Tukoy niya sa ginagawang pagsisibak nito. “Mukhang magandang ehersisyo iyang ginagawa mo.”


“Ah.. Eh.. Hindi ho ‘ata magandang magsisibak kayo ng kahoy, eh bisita ho namin kayo.” Ani nito na halata ang pag-aalangan.


“Dahil ba sa nakadamit ako at baka madumihan?” Inosenting tanong naman niya rito.


Napakamot ito ng ulo.


Tinanggal niya ang kanyang damit at isinampay ito sa malapit na sampayan. Saka muling bumaling kay Popoy.


“Pasubok.”


Bumaling ito ng tingin sa ina nito na para bang humihingi ng tulong doon. Mukha namang naintindihan ng ginang na nais lamang niyang makatulong kaya naman napatango na rin ito sa anak. Iniabot nito sa kanya ang may kabigatang palakol.


Sa unang subok ay bahagya pa siyang nahirapang asintahin ang kahoy. Hindi pala madaling gawin iyon tulad ng inaakala niya nang makita niyang ginagawa iyon ng magkapatid. Agad siyang nakadama ng excitement. Lalo pa’t nanunuod sa kanya ang dalawa pati ang ina ng mga ito at gusto niyang ipakita na kahit lumaki siya sa karangyaan ay may alam din naman siyang gawin.


“Madali palang matuto si Kuya, ‘nay.” Nakangiting wika ni Rodney.


“Ang galing pala nito.” Ang hindi niya maiwasang masabi. Talagang nag-enjoy na siya sa ginagawa niya.


“Hay naku, kayong mga bata talaga. Ang hilig-hilig niyong gawin ang mga bagay na bago sa inyo.” Napapailing namang wika ni Aling Melissa ngunit nakangiti na ito. Bakas ang amusement sa mga mata nito para sa kanya.


“Maganda nga ho ito, eh. Para lang din akong nasa gym.”


“Hala, maghahanda na ako ng almusal natin. Popoy, Rodney, huwag niyong masyadong pagurin iyang si Nico.” Saka ito tumalikod at pumasok na sa loob.


“Kuya, kapag napagod ka sabihin mo lang, ah. Ako ang rerelyibo sa ‘yo.”


“Ayos lang, kaya ko ‘to. Siyanga pala, ‘asan na ‘yong masungit na monster?” Simpleng tanong niya habang abala sa pagsisibak.


“Hindi pa lumalabas sa k’warto, eh. Malamang tulog pa ‘yon.” Sagot ni Popoy.


“Batugan talaga ang isang iyon.” Komento niya.


“Hindi naman, napagod lang siguro si Lantis. Sa katunayan, kapag narito siya sa amin ay tulad mo lagi siyang nagpupumilit na tumulong kahit pa man hindi siya pinapayagan ni nanay.” Tugon nito.


Hindi niya alam kung bakit pero medyo na curious siya. Lalo pa’t parang kilalang-kilala ng mga ito ang mortal niyang kaaway. Kaya kahit hindi naman talaga siya mahilig mang-usyuso ay nagsimula siyang magtanong-tanong.


“Ilang beses na ba siyang napupunta rito?”


“Mga tatlong beses na. Yung huli ay bata pa itong si Rodney.”


“Ah...” Tatango-tango niyang tugon dito. Kaya pala simple na lang rito ang pagtawid sa makipot na pilapil sa palayan. “Di ba ikaw ‘yong nakikita ko noon sa kanila?”


“Oo, dati akong sinasama ni nanay noon kapag wala akong pasok.”


“Kung gano’n, matagal mo na pala siyang kilala. Mabuti at natatagalan mo ang kasungitan at pagiging aburido niyon.”


Tumawa ito dahilan para mapahinto siya sa ginagawang pagsisibak at mapatingin rito.


“Masungit nga siya sa akin noon. Hindi nga niya ako pinapansin kapag naroon ako sa bahay nila, eh.” Ang tatawa-tawa pa nitong wika. Na para bang binabalikan nito ang nakaraan. “Hindi ko nga inaasahan na magiging magkaibigan kami.”


Lalo lang tuloy siyang nagtaka.


“Ano ang ibig mong sabihin?”


“Mahirap din kasing ipaliwanag. Basta, nangyari na lang ‘yon isang araw nang muli akong dalhin ni nanay sa bahay nila. Umiiyak ako no’n dala ng sumpong at gutom. Hindi naman ako maasikaso ni nanay agad dala ng marami rin siyang trabaho. Nagulat na lang ako nang lapitan ako ni Lantis, binigyan niya ako ng chocolate. Doon nagsimula ang lahat.”


Natural hindi siya makapaniwala sa mga sinabi nito. Hindi ang tipo ni Lantis ang unang lalapit para makipag-kaibigan unless...


“Kailan ang huling punta niya rito?” Kapagkuwan ay tanong niya.


“Noong bago kami mag-fourth year high school.”


Napakunot ang noo niya. Hindi siya sigurado kung tama ba ang nasa isip niya at lalong hindi niya alam kung bakit iyon na agad pumasok sa isip niya.


“Bakit daw niya rito naisipang magpunta noon?”


“Wala naman, gusto lang daw niyang dalawin si nanay at magbakasyon dito sa amin.” Tugon nito. “Nakakatuwa nga, eh. Kasi dahil doon, lalo pa kaming naging malapit sa isa’t isa.”


“Lalong naging malapit? Eh, di ba malapit na kayo noon pa? Nakikita ko ngang lagi kayong naglalaro sa barukan nila ‘di ba?” Hindi niya maisawang maitanong. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mang-usisa siya ng husto.


“Mas malapit pa roon.” Kapagkuwan ay wika nito habang nakangiti. “Dahil doon ko tuluyang nakilala ang tunay na siya.”


Posible kayang ito ang sinasabi noon ni Lantis? Ito ba ang taong inakala nilang magkakaibigan na hindi totoo. Si Popoy ba ang taong tinutukoy ni Lantis noon na mahal niya? Iyon ang mga katanungang agad na naglakbay sa kanyang isipan.


Mataman niya itong tinitigan. Hindi imposibleng si Popoy nga iyon. Maganda ang tindig nito at hindi rin ito pahuhuli pagdating sa ganda ng katawan. Kung tutusuin, mas maganda pa ang hubog ng katawan nito kumpara sa mga taong nakakasalamuha niya sa gym. Mas proportion kasi iyon dala marahil ng natural na pagkahubog nito. Kahit bilad sa araw ang kulay ng balat nito ay hindi iyon naging hadlang, bagkus lalo pa ‘atang nagpadagdag iyon sa angkin nitong kakisigan.


Muli na namang napakunot ang kanyang noo at bahagyang ipiniling ang ulo. Bakit niya ina-assess ang taong ito? Dala lang ba iyon ng simpleng kyuryosidad niya o dahil sa katotohanan na posibleng ang lalaking nasa harapan n’ya ngayon ang tinutukoy ni Lantis na mahal nito? Kung gano’n bakit tila may nararamdaman s’yang kakaiba, bakit tila apektado s’ya sa mga nalaman dito? Bakit parang hindi niya gusto ang ideya na ito na nga ang lalaking tinutukoy ni Lantis?


“Bakit?” Untag sa kanya ni Popoy. Agad naman siyang nagbawi ng tingin.


“W-Wala.”


Pero sa kabila niyon ay hindi na naging normal ang utak niya. Parang may kung anong nagsusumiksik doon na hindi niya maipaliwanag o mas tamang hindi niya maintindihan. Parang biglang nabulabog ang kanyang pagkatao.




Itutuloy: 

26 comments:

PENSandPAPERS said...

Naman!!! Nakakatuwa talaga yang dalawang yan! :-)

Anonymous said...

Wow ganda talaga 1st tym ever ko mag comment d2 bago lang kasi ako sa blog hehehe ive read the 1st story yung kina rome at ace naging adik na ako kaka basa galing ng author in fairness idol na kita hehe



karl rickson

--makki-- said...

naks! hanep ang mga bangayan! tololol! may Love Triangle pala ito! Nice one Z.. :D

natawa ako sa "Makipot na Pilapil" hahahaha... sa Bukid walang papel uy! kuskus mo sa Pilapil! bwahahahaha!

TheLegazpiCity said...

All I say is LIKE

Anonymous said...

kakatuwa talaga si nico at lantis.

Pero gets ko na ang ibig sabihin ni popoy na "MAS" nakilala nya si Lantis sabay ngiti. Haha! i think alam ni popoy at nanay melissa ang sexual orientation ni lantis at mahal nito si Nico. Wahahaha!

Next na zeke. Pwedeng everyday ang update?? lOL joke lang.

Erwin F. said...

Nakakaloko yung maligo part! Ahahahaha!

Lakas naman maka winwintowts! Ahahaha! Dumadami nickname ko. Don't worry gagawan pa rin kita cover art ngayong nag balik ako. :p

Makki naalala ko tuloy yung tissue ad dati.

Anonymous said...

watdahh! si POPOY nga ba tlga??
juskoooooo!

-- nakaktuwa tlga ! ASO't PUSA lang aa!

pero i think at the end of the story malalaman nya din na sya ang tunay na mahal ni lantis :)


<----- demure

Anonymous said...

grabe....can't wait for the next chapter..anu kaya ang mangyayari...abangan ang susunod na kabanata..

-iamronald

Anonymous said...

NEXT na. NEXT na. NEXT na. Haha.

Good Job Kuya Zeke.

-J

Anonymous said...

ganitong story ang gusto :D ang ganda!

VP

Irsen said...

MORE~! hahaha.. paganda na ng paganda!

Unknown said...

ayos as always.. :p

Jay-ar said...

Ang saya! Selos ang mokong...hehehehe panu kaya sila magkakasundo???haay ipaubaya ko n lng kay Zild yan...magbabasa n lng ako.

Anonymous said...

hahah grabeh isa na namang msgandang istorya mister author heheh sana may gawan din mo ng story si bryan...:)


jubert co

foxriver said...

stock (typo).That's the only flaw. Overall: great. Love the 'away' moments.

Anonymous said...

mala ''sekai-ichi hatsukoi'' tlaga ang dating sakin ng kwento.. Haha.. Bangayan lagi, pero 'the more you hate, the more you love' naman ang ending...

..thank you ulit mr.author..

Masasabi q na ngaun na my dalawa na kong fav na writer.. At isa ka na dun.

-krishtoffer-

I AM CHRIS_LEE#027 said...

Uhmmmm? Posibleng dito mgsisimula ang lve affair nina nico at lantis ....immmmm sooooososososo excited ahahah thumbs up kuya z legend

James Chill said...

Ahehe... Ganda! As usual!

Tommy said...

katuwa sila mag curse sa isa't isa, pro sa bandang huli, sila pa din :))

bon-bon said...

i love the idea po ng LITUHAN part ! pati ako napapa-isip . kasi nman , c NICO pasimple pa , inlove din 'yan kay lantis . hehe


keep it up kuya Z :) power to you ..

russ said...

hehehe kakatawa siguro pag ikinasal sila Z, ang kanilang maid of honor ay si kerupin o kerochan..hehehe..nice one!

diumar said...

Two thumbs up. Ito n ata ang pinakafavorite kong chapter sa mga work mo. Galing.

Anonymous said...

nice wahahahahah..
nagkadugtong dugtong na kung anu man puzzle bwahhaha
~.~
-yums

Ryge Stan said...

hala ayaw pa kasing umamin e ayan tuloy hehehe mukhang may sisingit na kay Lantis.

Hehehe Zild kakatuwa ang story na to ngayon lalo akong nang hihiniyang baket ngayon ko lang napansin na hindi ko pala to nabasa.

Take Care and have a great day...

Anonymous said...

hahahah... gondo talaga, maybe I'm too late for the comments, pero okay lang, nageenjoy pa din ako basahin stories mo daddy zeke... hehehehehe... imy...


-eusethadeus-

Anonymous said...

shaks,,,c popoy nga kaya un???hhmmm...

-monty

Post a Comment