Story Cover by: WinwinTowtz
by: Zildjian
email: zildjianace@gmail.com
blog: ZildjianStories
Author's Note:
Uhoy! 8 Chapters more to go! Hahaha!
Ito na po ang chapter 2 ng Complicated
Cupid. Kasing komplikado ng title nito ang kwento ng dalawang kurimaw na wala
ng ibang alam kung hindi ang mag-away HAHA. Enjoy nalang po sa pagbabasa at huwag
sanang kalimutan ang mag-comment. Iyon ang palatandaan ko na nagugustohan niyo
ang kwento. :D
May naalala pala ako ngayon-ngayon lang
LOL. Sa mga tao palang naghihintay ng kwento ni Nhad, asahan niyong iyon ang
susunod pagkatapos nito. Ang time frame kasi ng estorya nina Nicollo ay
kapareho ng time frame kung saan nagluluksa si Kenneth HAHAHA. Kaya ito ang
isinunod ko sa Make Believe. ^__^ Ingat kayo!!!
DISCLAIMER: This story is a work of fiction. Any resemblance to
any person, place, or written works are purely coincidental. The author retains
all rights to the work, and requests that in any use of this material that my
rights are respected. Please do not copy or use this story in any manner
without my permission.
Inilibot ni Nicollo ang kanyang paningin sa kabuuan
ng lugar. Probinsiyang-probinsiya ang dating nito at malayo sa sibilisasyon.
Mula sa highway ay isang oras pa ang biniyahe nila papasok sa baryong iyon.
Mabuti na lang at mataas ang gulong ng kanyang Montero dahil kung sakaling
hindi ay malamang na stock na sila sa mga nadaanang butas sa kalsada. The place
is surrounded with green fields wala siyang ibang nakita kanina kung hindi ibon,
napakaraming puno ng niyog, kalabaw at mga palayan. Gusto na niya sanang
umatras, pero naalala niya ang naging kasunduan nila ni Lantis na kapag umatras
siya ibig sabihin ay talo siya sa kasunduan nila.
Inakala niyang remote area ang pupuntahan
nila kung hindi pa nila nadadaanan kanina ang mga kabahayan na sa tingin niya
ay ang poblacion ng lugar na iyon. Pero iba pa rin ang lugar na iyon para sa
kanya. Mas malala pa iyon sa lugar ng mga kaibigan niyang sina Alex, Jay at
Maki.
Muli niyang binigyan ng pansin ang bahay na
nasa gitna ng isang malawak na palayan. Kung tutuusin napakapreskong tingnan ng
bahay na iyon. Malawak ang bakuran nito na napapalibutan ng bakod na gawa sa
kawayan. Isama mo pa ang katahimikan na gustong-gusto niya, hindi na masama na
napunta siya doon.
“Dito mo na lang iwan ang sasakyan mo.”
Kapagkuwan ay wika ni Lantis.
“I just can’t leave it here!” Protesta
niya.
“Kung gano’n, magsama kayo rito nitong
sasakyan mo.” Tugon nito sa kanya kasabay ng pagbaba nito ng sasakyan bitbit
ang pusang laging dahilan ng iringan nila.
Hindi niya mapigilan ang impit na mapamura. Monster talaga itong isang ito at walang
konsensiya pagdating sa kanya. Napilitan na lang siyang bumaba na rin ng
sasakyan. Wala naman siyang balak maiwang mag-isa roon.
Habang hirap na hirap siya sa pagbalanse ng
kanyang katawan makatawid lang sa makipot na pilapil na iyon sa gitna ng
palayan, ay hindi niya maiwasang mapansin si Lantis. Halatang sanay ito sa
pagtawid na para bang doon na ito lumaki. Napakunot ang noo niya, hindi niya
dapat ito pinupuri.
Kapag
monster talaga, lahat kayang gawin. Ang pabulong
niyang sabi.
“May sinasabi ka?” Biglang harap sa kanya
ni Lantis.
“Guni-guni mo lang iyon. Bilisan mo na nga
ang paglalakad at baka tuluyan na akong mahulog dito.” Hirap na hirap na talaga
siyang balansehin ang sarili hindi lang tuluyang mahulog sa mga bagong tanim na
palay. Paniguradong lalangoy siya sa putikan
kapag nagkataon.
Ngunit imbes na sundin siya nito at kaawaan
sa kanyang tinatamasang pakikibaka sa makipot na daan ay lalo lamang nitong
binagalan ang pagtawid.
“Hindi ka ba talaga marunong maawa o
sadyang matigas lang talaga ang ulo mo?” Asar niyang sabi.
“Wala akong makitang rason para kaawaan ang
isang katulad mo. Besides, I’m intentionally making you suffer so that you can
leave me and my Karupin alone.” Nakatalikod nitong tugon sa kanya.
“Monster!” Punong-puno ng pagkapikon niyang
sabi.
“Good for nothing bastard!” Ganti naman
nitong tugon.
Hanggang sa tuluyan silang makatawid sa
pilapil na iyon ay hindi na nabalik sa normal ang pakiramdam niya. Ibayong
iritasyon ang nararamdaman niya para kay Lantis. Ngayon lang siya nakaramdam ng
gano’n sa loob ng ilang taon nilang palaging pagbabangayan. Marahil dahil sa
kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lang siya naubusan ng ipambabara rito.
Malugod silang sinalubong ng yaya nito na
nakikilala pa niya sa kabila ng malaking pagbabago sa hitsura nito dala ng
edad. He was 12 years old no’ng huling makita niya ito. Nasisiguro niyang
lampas singkwenta na ito ngayon base sa hitsura nito.
“Hindi ko inaasahan na bibisitahin mo ako
rito Lantis, anak at isinama mo pa talaga itong si Nicollo.” Binalingan siya
nito. “Tama nga ang sapantaha kong lalaki kang napakakisig, Nico.”
Pilit na ngiti ang ibinaling niya sa matanda.
Noon pa man, ay lagi na siya nitong pinupuri sa tuwing lalabas siya ng bahay at
naroon ito.
“Naynay, ayos lang ba kung dito lang muna
ako sa inyo ng mga ilang araw?” Pagsingit ni Lantis.
“Aba s’yempre ayos lang. Kay tagal na rin nang
muli kitang makita anak. Teka, ‘wag mong sabihin na hanggang ngayon ay ––”
“Maraming salamat po naynay.” Ang pagputol
nito sa iba pang sasabihin sana ng dating yaya nito.
Natural, na-curious siya sa kung ano ang
gustong sabihin ng yaya ni Lantis, batid niya kasing may kinalaman iyon sa
taong iniiwasan nito pero ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon. Ayaw niyang
lumabas na tsismoso at lalong ayaw niyang makialam sa kung anumang problema ng
mortal niyang kaaway.
Napansin niya ang nakasilip na batang babae
mula sa kusina ng bahay. Tingin niya ay nasa anim na taong gulang pa lamang
ito.
“Siya ang bunso namin.” Biglang wika ni
Aleng Melissa. “Bunso, halika rito, ipapakilala kita kay kuya Lantis at Kuya
Nico mo.”
May pag-aalinlangan naman itong lumapit sa
ina nito.
“Ito ang bunso ko, si Sheila. Ang dalawang
panganay ko ay nasa labas at tinutulungan ang ama nila sa bukid namin. Pabalik na
ang mga iyon at nasisiguro kong matutuwa silang makita ka ulit Lantis, lalo na
si Popoy ko.”
“Kamusta na pala si Popoy, naynay? May
katagalan ko na siyang hindi nakikita, ah.”
“Ayon at tulad mo ay malaki na rin ang
pinagbago. Siya ang katulong ng tatay niya sa pangangalaga sa bukid at mga
kabalaw namin kapag may pasok si Rodney.”
“Ilang taon na ba ngayon si Rodney, nay?”
“Binata na rin ang isang iyon anak, magse-seventeen
na siya ngayong taon.” Nakangiting tugon ng yaya nito.
“Binata na nga. No’ng huling bisita ko rito
ay uhugin pa ang isang iyon, ah.”
Dahil hindi naman siya makasabay sa usapan
ng dalawa ay pinili na lang niyang manahimik. Panaka niyang sinusulyapan si
Lantis na masayang nakikipag-usap sa yaya nito. Doon lang niya nakita ang mga
ngiti nito habang binabalikan ng dalawa ang mga panahon kung saan pareho pa
silang bata ni Lantis. At aaminin niyang mas bagay rito ang nakangiti.
Ilang minuto pa ang itinagal ng usapan ng
dalawa hanggang sa dumating na nga ang mga taong pinag-uusapan ng mga ito.
Ka-edad lang nila ang panganay na anak ng mga ito na minsan na niyang nakita
noong maliit pa sila. Ito ang batang lagi niyang nakikitang kalaro ni Lantis sa
loob ng bakuran ng bahay ng mga ito noon.
Halatang matagal na panahon na ngang hindi
nagkikita ang dalawa dahil hindi magkamayaw ang mga ito sa kamustahan.
Napasimangot siya, paano natatagalan ng Popoy na iyon ang napakasamang ugali ni
Lantis.
“Rodney, halika at samahan mo akong hulihin
ang isa mga inahin natin nang maipagluto natin ng masarap na ulam ang kuya
Lantis at kuya Nico mo.” Wika ng asawa ni Aleng Melissa na si Mang Andoy.
“P’wede ho ba akong sumama?” Pagpresenta
niya. Ang totoo, gusto lamang niyang umiwas na makita ang masayang pag-uusap
nina Lantis at Popoy. Lalo lang kasi siyang naasar sa katotohanang sa kanya
lang talaga masama ang ugali nito.
May pag-aalinlangan itong bumaling ng
tingin kay Lantis at sa asawa nito.
“Anak, dumito ka na lang at baka madumihan
pa iyang damit mo. Tsaka, hindi ‘ata bagay sa ‘yo ang makipaghabulan sa mga
manok namin.” Hindi naman siya nakaramdam ng pagkainsulto sa sinabi ni Aleng
Melissa. Batid niyang sinsero ang pag-aalala nito sa kanya.
“Hayaan niyo siya naynay, malaki na ‘yan,
alam na niya ang dapat at hindi dapat para sa kanya.” Biglang sabat ni Lantis.
Pinukol niya ito ng masamang tingin bago binalingan ang matanda.
“Huwag ho kayong mag-aalala sa akin. Sa
isang monster nga ay nakakaya kong tumagal, sa manok pa kaya?” Ang may pasaring
niyang wika na nilakipan pa niya ng ngising nakakagago.
Kita niya ang pagdilim ng anyo ni Lantis
kaya bago pa ito muling makahirit sa kanya ay nagpatiuna na siyang lumabas sa
bahay na iyon.
“May hindi ba kayo pagkakaunawan, Lantis?”
Narinig pa niyang wika ni Aling Melissa bago siya tuluyang makalayo sa mga ito.
Malaki talaga ang pinagkaiba ng lugar na
pinagmulan niya sa lugar kung saan sila naroon ngayon. Kung sa kanila ay ang
normal na hapunan ay alas-siyete-y-media, sa lugar na iyon ay alas-sais palang
ay naghahapunan na ang mga tao. Tanging ang ilaw na nagmumula sa mga lamparilya
ang nagbibigay liwanag sa kabuohan ng bahay.
“Nico anak, kumain ka ng marami.” Ang wika
ng yaya ni Lantis.
Sa totoo lang, nakaramdam siya ng inggit sa
pamilya nito. Hindi naging hadlang ang kakulangan ng liwanag at hirap ng buhay
para hindi ang mga ito sabay-sabay na umupo sa hapag at magkakasamang kumain.
Sila, kahit hindi sila naghihirap sa buhay at kahit maliwanag ang buong
kabahayan nila ay hindi nila magawang kumain ng sabay-sabay dahil masyadong
abala ang mga magulang niya sa mga negosyo ng mga ito at trabaho. Kaya nga niya
minabuting magtayo ng sarili niyang negosyo para kahit papaano ay mailihis niya
ang sarili sa katotohanang iyon.
May mga magulang man ay pakiramdam niya ay
nag-iisa pa rin siya. Ilang beses nga ba siyang kumain sa napakahabang mesa
nila sa bahay ng mag-isa? Ilang family day na nga ba sa mga paaralan niya ang
nag-daan na hindi niya magawang maka-attend dala ng hiya na wala siyang
mabibitbit na magulang? Pero kahit kailan ay hindi siya nagtanim ng sama ng
loob sa mga ito. Inintindi niya ang mga magulang dahil alam niyang para rin
naman sa kanya kung bakit nagpapakakuba ito sa pagtatrabaho. Ngunit ngayon,
habang pinagmamasdan niya ang masayang pamilyang iyon sa hapag ay hindi niya
maiwasang makadama ng inggit.
“Nico.” Ang narinig niyang tawag ni Lantis
sa pangalan niya. Doon lang niya napansin na inaabot pala ni Aling Melissa ang
mangkok na may lamang ulam na ito mismo ang nagluto.
“S-Salamat po.”
Sa di malamang kadahilanan ay hindi
sinasadyang napatingin siya sa gawi ni Lantis, nahuli niya itong matamang
nakatitig sa kanya dahilan para mapaiwas
siya ng tingin. For some strange reason natakot siya sa p’wedeng makita sa
kanya ni Lantis sa mga oras na iyon.
“Siya nga pala Lantis anak, bakit hindi
kayo naghihiwalay niyang pusang ‘yan?”
“Baka po may kumuhang hindi tao naynay,
eh.”
Batid niyang siya ang pinapatamaan nito.
“Hindi tao? Maligno ba anak?” Inosenteng
tanong naman ng ginang. Walang kaalam-alam na siya ang pinapatamaan ng walang
budhing si Lantis.
“Lamang-lupa po na nagpapanggap na tao,
nay.”
“Naku, marami niyan dito sa amin, Lantis.”
Sabat naman ni Popoy.
“Oo nga, yung kaklase ko nga sinapian ng
duwende, eh.” Gatong pa ni Rodney.
“Takot ako, nay.” Ani naman ng bunsong si
Sheila.
“’Wag kang matakot anak, hindi papayagan ni
tatay na may makapasok na lamang lupa o kahit na ano pa mang masasamang
elemento dito sa bahay natin.” Ani naman ni Mang Andoy.
“Nakapasok na po.” Sabi niya at pasimpleng
binalingan si Lantis. “Mas malala pa po sa mga lamang-lupa ang napakasok dito
sa bahay niyo.”
“May pinatatamaan ka ba?” Asik sa kanya ni
Lantis.
“Bakit, tinamaan ka ba? Bah, masama na ‘yan,
mukhang paunti-unti mo nang natatanggap ang masamang katotohanan na hindi ka
tao kung hindi isang monster.”
Napatawa ng malakas sina Rodney at Popoy
habang ang mag-asawa ay napailing na lang. Sinadya niyang hindi na muling
balingan ng tingin si Lantis para hindi na ito makaganti pa.
“Kayong mga bata talaga, puro kayo kalokohan.”
Napapailing na wika ni Aling Melissa.
Natapos ang hapunan na iyon na hindi na
muling umimik pa si Lantis na ipinagpasalamat naman niya ng husto dahil sa
sobra siyang ginanahan sa pagkain ng tinolang manok na sila mismo ang humuli
kanina.
“Nico, magtabi na lang kayo ni Lantis doon
sa k’warto ni Popoy at Rodney.” Wika ni Aling Melissa.
“Diyan siya matutulog sa sala, naynay. Kami
ni Karupin ang magkatabing matutulog.” Sabat naman ni Lantis.
“Lantis naman. Uunahin mo pa ba ang pusa mo
kesa sa kaibigan mo?” Protesta ng ginang.
“Wala akong kaibigan na hindi tao.”
“Lantis.” May pagsaway sa tono ng boses nito.
“Ayos lang po. Ayaw ko rin namang
makipagtabi sa isang impakto, Aling Melissa. Doon na lang ako sa sasakyan ko matutulog.”
“Pero anak, ilang araw din kayong pipirmi
dito sa bahay. Hindi naman ‘ata maganda na sa bawat gabi ay doon ka matutulog
sa sasakyan mo. Baka kung ano ang mangyari sa’yo roon.”
“Ayos lang ho ako, ‘wag kayong gaanong mag-alala sa akin.”
“Naku, hindi ako papayag.” Matatag nitong
sabi. “Lantis, matutulog katabi mo itong si Nico.” May bahid ng pag-uutos
nitong wika.
“Naynay ––”
“Hindi. Kung anuman iyang hindi niyo
pagkakaunawaan ay kakalimutan niyo sa gabi at magkatabi kayong matutulog.”
“Pero naynay ––”
“Walang pero pero Lantis. Hala sige na,
matulog na kayo at gabi na.” At agad na itong umalis at pumasok sa k’warto
kasama ang asawa at ang bunsong anak nito.
Aaminin niya, lihim siyang nagbunyi nang
makita ang pagkatalo sa mga mata ni Lantis bago ito walang imik na pumasok sa k’warto.
Subalit siya man ay hindi rin kumportable na makatabi itong matulog ngunit bago
pa siya makapag-isip ng dahilan kung bakit, ay muling nagbalik sa kanya ang
nakaraan kung saan nag-iinuman sila noon na magkakaibigan.
“Alam niyo, nawewerduhan na ako diyan kay Alex. Sa
tingin niyo ba bakla siya?” Ang lasing na wika ni Maki.
“Bakit
naman natin pakikialaman kung ano ang kasarian ni Alex? Hindi ba’t kaya naman
natin siya nagustuhan dahil sa pagiging masipag at totoo niya sa sarili hindi
dahil sa lalaki siya?” Usal naman ni Lantis.
“Tama
si Lantis, Mak-Mak. Hindi na importante kung ano pa man ang kasarian ni Alex.
Kung ako nga natanggap niyo na tagilid din ang kasarian ko, iyon pa kaya.”
“Tagilid
ka rin? Akala ko nagpapanggap ka lang, eh.” Ani ni Maki.
“Batukan
kaya kita riyan. Matagal ko nang alam na hindi babae ang type ko, noh.”
“Eh,
sino naman ang type mo?”
“Yung
klasmate natin. Yung captain ng basketball.” Ang tila nangangarap nitong sabi.
“Ang
landi mo! Ang dami pa namang nagkakacrush sa ‘yong babae.”
“Inggit
ka lang dahil ‘di ikaw ang crush ko.”
“Hindi
rin naman kita papatulan kaya mabuti na lang. Kayo, Lantis at Nico baka may
gusto rin kayong aminin. Sabihin niyo na ngayon para wala na tayong lihiman
pa.”
“Wala
akong aaminin sa ‘yo.” Kapagkuwan ay wika niya.
“May
mahal na ako.” Wala naman sa sariling wika ni Lantis. “Pero hindi ko sasabihin
sa inyo.”
Para
silang nahimasmasan sa sinabi nito. Kahit ang tulog na tulog na si Alex dala ng
kalasingan mula sa isang tagay na ininom nito ay bahagya pang umungol. Hindi
sila makapaniwala na ang palaging aburido at masungit na si Lantis ay marunong
palang magmahal.
“Sure
ka ba diyan?” Diskumpyadong tanong ni Maki. “Baka dala lang yan ng tama mo.”
“Sigurado
ako.”
“Wala
naman kaming nakikitang babaeng dinidikitan mo, ah.” Wika naman ni Jay.
“’Wag
mong sabihin na lalaki rin ang tipo mo?”
“At
anong masama kung lalaki nga ang tipo ko?” Asik nito sa kanila at dahil doon ay
minabuti na lang nilang hayaan na ito. Alam kasi nilang hindi magandang ideya
ang tuluyan itong pikunin.
Sa k’wentong lasing na iyon nagsimula ang
lahat. Matapos ang gabi ng aminan na iyon ay nagsimula na ang tuksuhan. Si Jay
kay Maki at siya kay Lantis. No’ng una ay ayos lang sa kanya dahil silang lima
lang naman ang tanging nakakaalam sa kalokohan na iyon at batid naman niyang
biruan lang nilang magkakaibigan iyon subalit, habang naglalaon ay parang
paunti-unti na ring umuukit sa kanyang isip ang posibilidad na isa rin siyang
alanganin.
Hinilot niya ang kanyang ulo. Hanggang
ngayon talaga ay hindi pa rin niya alam kung ano ba talaga siya at kung ano ba
talaga ang gusto niya. Hindi pa naman siguro siya bading dahil wala pa naman
siyang nagugustuhang lalaki.
Wala
nga ba? Biglang tanong ng isang bahagi ng isipan
niya.
Ipiniling niya ang kanyang ulo. Nababaliw na ‘ata siya o baka tuluyan na nga siyang nadala sa biruan nilang magkakaibigan. Tinungo niya ang k’warto nila ni Lantis. Nakahiga ito patagilid paharap sa dingding. Minabuti niyang hindi makagawa ng ingay at kumuha ng unan. Doon na lang siya sa sala matutulog.
Nicollo’s first night was a disaster. Hindi
siya nakatulog ng mabuti dahil bukod sa namamahay siya ay sobrang tigas ng
napili niyang higaan - ang mahabang upuan sa sala ng bahay na tinutuluyan nila
ngayon ni Lantis.
Alas-singko-y-media pa lang ng madaling
araw at hindi pa gaanong maliwanag sa labas ngunit sa lugar na iyon nagsisimula
na ang buhay ng mga tao. Paglabas niya ay agad niyang nakita si Aling Melissa na
nagwawalis ng mga nagkalat na dahon sa bakuran nila. Habang ang dalawang anak
naman nito ay abala sa pagsisibak ng kahoy na malamang ay gagamitin bilang
panggatong.
“Nico anak, ang aga mo naman ‘atang
nagising?” Pagpansin sa kanya ni Aling Melissa. “At bakit sa sala ka natulog?
Kayo talagang mga bata kayo.”
“May maitutulong ho ba ako Aling Melissa?”
Hindi niya pagpansin sa naging katanungan nito. Ayaw niya nang palakihin pa ang
issue patungkol sa kanila ni Lantis. Ang importante, kahit disaster ang unang
gabi niya sa probinsiyang iyon ay nagawa naman niyang tumagal at nasisiguro
niyang magagawa pa niyang magtiis ng mga ilang araw.
“Naku, hayaan mo na anak. Tara sa loob at
nang makapagkape ka na. Ano ba ang gusto mong almusal?”
Medyo nakaramdam siya ng hiya. Hindi naman ‘ata
porke’t dahil bisita sila doon ay hindi na sila tutulong. Hindi man siya sanay
sa mga gawaing bahay ay may natutunan naman siya tungkol sa tamang ugali ng mga
taong nakikituloy tulad niya. Kaya imbes na sundin ito ay linapitan niya sina
Rodney at Popoy.
“May maitutulong ba ako?”
Napaangat ng tingin sa kanya si Popoy at
bahagyang binigyan siya ng isang alanganing ngiti na para bang ito pa ang
nahihiya sa kanya.
“P’wede ko bang subukan ‘yan?” Tukoy niya
sa ginagawang pagsisibak nito. “Mukhang magandang ehersisyo iyang ginagawa mo.”
“Ah.. Eh.. Hindi ho ‘ata magandang
magsisibak kayo ng kahoy, eh bisita ho namin kayo.” Ani nito na halata ang
pag-aalangan.
“Dahil ba sa nakadamit ako at baka
madumihan?” Inosenting tanong naman niya rito.
Napakamot ito ng ulo.
Tinanggal niya ang kanyang damit at
isinampay ito sa malapit na sampayan. Saka muling bumaling kay Popoy.
“Pasubok.”
Bumaling ito ng tingin sa ina nito na para
bang humihingi ng tulong doon. Mukha namang naintindihan ng ginang na nais
lamang niyang makatulong kaya naman napatango na rin ito sa anak. Iniabot nito
sa kanya ang may kabigatang palakol.
Sa unang subok ay bahagya pa siyang nahirapang asintahin ang kahoy. Hindi pala madaling gawin iyon tulad ng inaakala niya nang makita niyang ginagawa iyon ng magkapatid. Agad siyang nakadama ng excitement. Lalo pa’t nanunuod sa kanya ang dalawa pati ang ina ng mga ito at gusto niyang ipakita na kahit lumaki siya sa karangyaan ay may alam din naman siyang gawin.
“Madali palang matuto si Kuya, ‘nay.”
Nakangiting wika ni Rodney.
“Ang galing pala nito.” Ang hindi niya
maiwasang masabi. Talagang nag-enjoy na siya sa ginagawa niya.
“Hay naku, kayong mga bata talaga. Ang
hilig-hilig niyong gawin ang mga bagay na bago sa inyo.” Napapailing namang
wika ni Aling Melissa ngunit nakangiti na ito. Bakas ang amusement sa mga mata
nito para sa kanya.
“Maganda nga ho ito, eh. Para lang din
akong nasa gym.”
“Hala, maghahanda na ako ng almusal natin.
Popoy, Rodney, huwag niyong masyadong pagurin iyang si Nico.” Saka ito
tumalikod at pumasok na sa loob.
“Kuya, kapag napagod ka sabihin mo lang,
ah. Ako ang rerelyibo sa ‘yo.”
“Ayos lang, kaya ko ‘to. Siyanga pala, ‘asan
na ‘yong masungit na monster?” Simpleng tanong niya habang abala sa pagsisibak.
“Hindi pa lumalabas sa k’warto, eh.
Malamang tulog pa ‘yon.” Sagot ni Popoy.
“Batugan talaga ang isang iyon.” Komento
niya.
“Hindi naman, napagod lang siguro si
Lantis. Sa katunayan, kapag narito siya sa amin ay tulad mo lagi siyang
nagpupumilit na tumulong kahit pa man hindi siya pinapayagan ni nanay.” Tugon
nito.
Hindi niya alam kung bakit pero medyo na
curious siya. Lalo pa’t parang kilalang-kilala ng mga ito ang mortal niyang
kaaway. Kaya kahit hindi naman talaga siya mahilig mang-usyuso ay nagsimula
siyang magtanong-tanong.
“Ilang beses na ba siyang napupunta rito?”
“Mga tatlong beses na. Yung huli ay bata pa
itong si Rodney.”
“Ah...” Tatango-tango niyang tugon dito.
Kaya pala simple na lang rito ang pagtawid sa makipot na pilapil sa palayan.
“Di ba ikaw ‘yong nakikita ko noon sa kanila?”
“Oo, dati akong sinasama ni nanay noon
kapag wala akong pasok.”
“Kung gano’n, matagal mo na pala siyang
kilala. Mabuti at natatagalan mo ang kasungitan at pagiging aburido niyon.”
Tumawa ito dahilan para mapahinto siya sa
ginagawang pagsisibak at mapatingin rito.
“Masungit nga siya sa akin noon. Hindi nga
niya ako pinapansin kapag naroon ako sa bahay nila, eh.” Ang tatawa-tawa pa
nitong wika. Na para bang binabalikan nito ang nakaraan. “Hindi ko nga
inaasahan na magiging magkaibigan kami.”
Lalo lang tuloy siyang nagtaka.
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Mahirap din kasing ipaliwanag. Basta,
nangyari na lang ‘yon isang araw nang muli akong dalhin ni nanay sa bahay nila.
Umiiyak ako no’n dala ng sumpong at gutom. Hindi naman ako maasikaso ni nanay
agad dala ng marami rin siyang trabaho. Nagulat na lang ako nang lapitan ako ni
Lantis, binigyan niya ako ng chocolate. Doon nagsimula ang lahat.”
Natural hindi siya makapaniwala sa mga
sinabi nito. Hindi ang tipo ni Lantis ang unang lalapit para makipag-kaibigan
unless...
“Kailan ang huling punta niya rito?”
Kapagkuwan ay tanong niya.
“Noong bago kami mag-fourth year high
school.”
Napakunot ang noo
niya. Hindi siya sigurado kung tama ba ang nasa isip niya at lalong hindi niya
alam kung bakit iyon na agad pumasok sa isip niya.
“Bakit daw niya rito
naisipang magpunta noon?”
“Wala naman,
gusto lang daw niyang dalawin si nanay at magbakasyon dito sa amin.” Tugon
nito. “Nakakatuwa nga, eh. Kasi dahil doon, lalo pa kaming naging malapit sa
isa’t isa.”
“Lalong naging
malapit? Eh, di ba malapit na kayo noon pa? Nakikita ko ngang lagi kayong
naglalaro sa barukan nila ‘di ba?” Hindi niya maisawang maitanong. Ito ang
kauna-unahang pagkakataon na mang-usisa siya ng husto.
“Mas malapit pa roon.”
Kapagkuwan ay wika nito habang nakangiti. “Dahil doon ko tuluyang nakilala ang
tunay na siya.”
Posible kayang
ito ang sinasabi noon ni Lantis? Ito ba ang taong inakala nilang magkakaibigan
na hindi totoo. Si Popoy ba ang taong tinutukoy ni Lantis noon na mahal niya?
Iyon ang mga katanungang agad na naglakbay sa kanyang isipan.
Mataman niya
itong tinitigan. Hindi imposibleng si Popoy nga iyon. Maganda ang tindig nito
at hindi rin ito pahuhuli pagdating sa ganda ng katawan. Kung tutusuin, mas
maganda pa ang hubog ng katawan nito kumpara sa mga taong nakakasalamuha niya
sa gym. Mas proportion kasi iyon dala marahil ng natural na pagkahubog nito.
Kahit bilad sa araw ang kulay ng balat nito ay hindi iyon naging hadlang,
bagkus lalo pa ‘atang nagpadagdag iyon sa angkin nitong kakisigan.
Muli na namang
napakunot ang kanyang noo at bahagyang ipiniling ang ulo. Bakit niya ina-assess
ang taong ito? Dala lang ba iyon ng simpleng kyuryosidad niya o dahil sa
katotohanan na posibleng ang lalaking nasa harapan n’ya ngayon ang tinutukoy ni
Lantis na mahal nito? Kung gano’n bakit tila may nararamdaman s’yang kakaiba,
bakit tila apektado s’ya sa mga nalaman dito? Bakit parang hindi niya gusto ang
ideya na ito na nga ang lalaking tinutukoy ni Lantis?
“Bakit?” Untag sa
kanya ni Popoy. Agad naman siyang nagbawi ng tingin.
“W-Wala.”
Pero sa kabila
niyon ay hindi na naging normal ang utak niya. Parang may kung anong
nagsusumiksik doon na hindi niya maipaliwanag o mas tamang hindi niya
maintindihan. Parang biglang nabulabog ang kanyang pagkatao.
Itutuloy:
26 comments:
Naman!!! Nakakatuwa talaga yang dalawang yan! :-)
Wow ganda talaga 1st tym ever ko mag comment d2 bago lang kasi ako sa blog hehehe ive read the 1st story yung kina rome at ace naging adik na ako kaka basa galing ng author in fairness idol na kita hehe
karl rickson
naks! hanep ang mga bangayan! tololol! may Love Triangle pala ito! Nice one Z.. :D
natawa ako sa "Makipot na Pilapil" hahahaha... sa Bukid walang papel uy! kuskus mo sa Pilapil! bwahahahaha!
All I say is LIKE
kakatuwa talaga si nico at lantis.
Pero gets ko na ang ibig sabihin ni popoy na "MAS" nakilala nya si Lantis sabay ngiti. Haha! i think alam ni popoy at nanay melissa ang sexual orientation ni lantis at mahal nito si Nico. Wahahaha!
Next na zeke. Pwedeng everyday ang update?? lOL joke lang.
Nakakaloko yung maligo part! Ahahahaha!
Lakas naman maka winwintowts! Ahahaha! Dumadami nickname ko. Don't worry gagawan pa rin kita cover art ngayong nag balik ako. :p
Makki naalala ko tuloy yung tissue ad dati.
watdahh! si POPOY nga ba tlga??
juskoooooo!
-- nakaktuwa tlga ! ASO't PUSA lang aa!
pero i think at the end of the story malalaman nya din na sya ang tunay na mahal ni lantis :)
<----- demure
grabe....can't wait for the next chapter..anu kaya ang mangyayari...abangan ang susunod na kabanata..
-iamronald
NEXT na. NEXT na. NEXT na. Haha.
Good Job Kuya Zeke.
-J
ganitong story ang gusto :D ang ganda!
VP
MORE~! hahaha.. paganda na ng paganda!
ayos as always.. :p
Ang saya! Selos ang mokong...hehehehe panu kaya sila magkakasundo???haay ipaubaya ko n lng kay Zild yan...magbabasa n lng ako.
hahah grabeh isa na namang msgandang istorya mister author heheh sana may gawan din mo ng story si bryan...:)
jubert co
stock (typo).That's the only flaw. Overall: great. Love the 'away' moments.
mala ''sekai-ichi hatsukoi'' tlaga ang dating sakin ng kwento.. Haha.. Bangayan lagi, pero 'the more you hate, the more you love' naman ang ending...
..thank you ulit mr.author..
Masasabi q na ngaun na my dalawa na kong fav na writer.. At isa ka na dun.
-krishtoffer-
Uhmmmm? Posibleng dito mgsisimula ang lve affair nina nico at lantis ....immmmm sooooososososo excited ahahah thumbs up kuya z legend
Ahehe... Ganda! As usual!
katuwa sila mag curse sa isa't isa, pro sa bandang huli, sila pa din :))
i love the idea po ng LITUHAN part ! pati ako napapa-isip . kasi nman , c NICO pasimple pa , inlove din 'yan kay lantis . hehe
keep it up kuya Z :) power to you ..
hehehe kakatawa siguro pag ikinasal sila Z, ang kanilang maid of honor ay si kerupin o kerochan..hehehe..nice one!
Two thumbs up. Ito n ata ang pinakafavorite kong chapter sa mga work mo. Galing.
nice wahahahahah..
nagkadugtong dugtong na kung anu man puzzle bwahhaha
~.~
-yums
hala ayaw pa kasing umamin e ayan tuloy hehehe mukhang may sisingit na kay Lantis.
Hehehe Zild kakatuwa ang story na to ngayon lalo akong nang hihiniyang baket ngayon ko lang napansin na hindi ko pala to nabasa.
Take Care and have a great day...
hahahah... gondo talaga, maybe I'm too late for the comments, pero okay lang, nageenjoy pa din ako basahin stories mo daddy zeke... hehehehehe... imy...
-eusethadeus-
shaks,,,c popoy nga kaya un???hhmmm...
-monty
Post a Comment