Thursday, December 20, 2012

Hiling




Photo by:  Justyn Shawn



Sa may bahay ang aming bati, Merry Christmas na ma-l’walhati
Ang pag-ibig pag s’yang naghari
Araw-araw ay magiging pasko lagi…



Ito ang kantang maririnig mo sa bawat bibig ng mga bata habang tangan ang mga niyuping tansan na ginawang tamburin at basyong lata na nagsilbing tambol sa kanilang pangangaroling.  Masaya ang pakiramdam sa tuwing sasapit ang kapaskuhan.  Madarama mo ang malamig ang simoy ng hangin, ang mga bahay ay napapalamutian ng mga nagagandahang dekorasyon na sinasaliwan pa ng mga kumukutikutitap na Christmas lights na animo’y tala sa kalangitan.  May kaya man o ordinaryong pamilya ay pinaghahandaan ang pagdating ng pasko.  Ang lahat ay nagiging abala sa pagbabalot ng kani-kanilang mga regalo para sa kamag-anak, kaibigan, at mga inaanak.  Ang iba ay nagkakaroon pa ng family reunion.   Dahil sa haba na rin ng panahon na walang pasok kaya ginagawa nila ang pagsasama-samang magkakapamilya. At para sa mga nakaka-angat talaga sa buhay ipinagdiriwang nila ang pasko sa ibang bansa, lalo na sa bangsang may snow.  Siguro gusto nilang makaranas ng tinatawag na WHITE CHRISTMAS.


Last week bago ang Christmas vacation, nag-announce ang club adviser namin na magkakaroon kami ng outreach program sa isang orphanage sa manila.  Ito ang taun-taong ginagawa ng school organization na sinalihan ko.  Advocacy na nila ang magbigay ng saya sa mga abandonadong bata tuwing sasapit ang kapaskuhan.  Bago pa man matapos ang meeting ay nagtakda na ang members at officials na magset ng date upang maiayos ang lahat ng regalong dadalhin at ipapamigay sa mga batang iniwan sa ampunan. 


Ang sarap sa pakiramdam ng makakatulong ka sa mga taong nangangailangan.  Lalo na sa panahon ng kapaskuhan.  Dahil pakiramdam ko naging mas makabuluhan ako para sa ibang tao.  Sa mga taong walang pamilyang matatawag.  Kaya, kahit isang araw lang ay maipadama namin sa kanila na may mga taong nagmamalasakit pa rin sa kanila.  Kahit isang araw lang.  


Araw ng outreach program.


“Ok guys, ready na ba ang lahat? Naisakay na ba sa van ang mga gifts at ang mga pagkain na lulutuin mamaya?,” tanong ng coordinator habang tinignan isa-isa ang nasa likod ng sasakyan.


“Yes sir! Everything’s packed.” Halos sabay-sabay na sagot ng mga miyembro.


Habang nasa daan, hindi maalis sa akin ang mag-isip kung ano ang mangyayari pagdating namin sa bahay-ampunan.  Iniisip ko rin kung paanong mapapasaya ang mga bata.  First time ko kasing sumama sa outreach program at hindi ko alam kung magugustuhan nila ako.


Hindi naman malayo ang byahe at isa pa abala ako sa mga iniisip kong paraan para makipaghalo-bilo sa mga bata kaya hindi ko napansin narating na namin ang bahay-ampunan. 


“Wait guys, punta muna ako sa Directress ng orphanage before i-unload ang mga dala natin,” paalam ng coordinator namin.


Ilang minuto lang ang tinagal nito at maya-maya at bumalik na rin upang sabihing pwede ng pumasok sa loob.  Tulung-tulong naming inilabas ang lahat ng regalo at mga pagkain na aming dala para sa mga bata. 


Pagpasok na pagpasok namin ay makikita at madadama mo sa mga bata ang saya.  Lalo pa ng makita nila ang mga dala naming regalo.  Makikita mo sa mga mata ang kislap ng pag-asa, na kahit isang araw lang ay magkakaroon sila ng mga matatawag nilang kuya at ate.   Kahit ako ay dama ko ang kakaibang saya at pananabik na makipaglaro sa kanila, dahil sa totoo lang nag-iisang anak lang ako, kaya naman masaya akong nakakakita ng mga bata lalo pa kung nakakalaro ko sila.


Ang lahat ay nakaayos na, ang mga regalo ay nailagay na rin malapit sa Christmas tree na nakatayo sa loob ng ampunan.  Dinala na namin sa kusina ang mga putahe at sangkap na gagamitin namin sa pagluluto.  Dahil ngayong araw na ito kami ang magsisilbi sa mga bata.  Kami ang magpapakain, magpapaligo, makikipaglaro, at kami ang magpapatulog.  Gawain ng isang nakatatandang kapatid kapag wala ang mga magulang dahil pumapasok sa trabaho o kaya naman ay may importanteng ginagawa.


Habang ang iba ay nasa kusina at nagluluto meron namang nag-umpisa ng makipaglaro sa mga bata.    Ginawa na nila ang mga bagay na napagkasunduan noong nagdaang meeting.  Hindi ko mawari kung bakit hindi ko agad makuhang lumapit sa mga bata kaya naglakad-lakad ako sa pasilyo ng ampunan.  Hindi ko alam kung paano kong sisimulan ang makipaglaro sa kanila ng mahagip ng aking paningin ang isang bata na nakaupo sa isang lumang bench sa may hardin na hindi nakikipaghalu-bilo sa mga kapwa nyang ulila.  Tila malalim ang iniisip.


“Hi, anong ginagawa mo dito bakit hindi ka nakikipaglaro sa kanila?” mahinahon kong tanong sa batang nakaupo.  Ngunit nanatili lamang s’yang tahimik.  Tinignan lang ako nito ng walang reaksyon.   “Ako nga pala si kuya Anthony.  Ikaw anong pangalan mo?”  Nanatili ang kanyang katahimikan at hindi kumikibo.  Tantiya ko ay mga anim na taon na ang batang pilit kong kinakausap.  Sa totoo lang ang gaan ng pakiramdam ko sa batang ito kahit pa hindi niya ako sinagot sa mga tanong ko.  Mayroong kung anong koneksyon sa aming dalawa.  Sa dinami-dami ng batang pwede kong makalaro at makausap ay pinili ko s’yang pagtyagaang makasama dahil may kakaiba talaga sa kanya at hindi ko siya kayang iwang nagmumukmok at nag-iisa.  Lalo ‘nung nagtama ang mga mata namin.  Bakas mo dito ang lungkot ng pag-iisa, pangungulila, at paga-asam na sana isang araw may mabuting pamilya ang kumupkop sa kanya.  Na sana, balang-araw ay magkaroon din s’ya ng pamilyang mag-aaruga sa kanya.  Kaya naman naisipan ko na lang magkwento sa batang kasama ko baka sakaling makuha ko ang kanyang atensyon.


“Ganito na lang, kukwentuhan na lang kita.  Gusto mo ba ‘yon?”  Ang nakangiti kong tanong sa kanya ngunit nanatili lang itong nakatitig sa akin.  Agad akong umupo sa kanyang tabi at sinimulan ang pakukwento.  “Alam mo ba noong maliit pa lang ako… t’wing magpapasko excited ako, kasi makakatanggap na naman ako ng gift galing kay Santa.  Kilala mo ba si Santa?” ang excited kong tanong sa kanya ngunit wala pa rin akong nakuhang tugon.  Itinuloy ko na lang ang pagsasalaysay.  “Si Santa, lalaking malaki ang t’yan na nakasuot ng pulang damit na may mahabang balbas...  Merong s’yang listahan ng mga batang naging mabait sa loob ng isang taon.  Tapos,  binibigyan n’ya ng regalo ang mga batang mababait at masunurin sa mga nanay at tatay nila.  Ikaw ba mabait kang bata?”  tinignan ko s’yang muli at nginitian.  Ngunit nanatili lang ang kanyang katahimikan.  Patuloy pa rin ako sa pagkukwento.  “Alam mo bang walang pasko na hindi ako nakatanggap ng regalo mula sa kay Santa?  Simula noong bata pa ako hanggang ngayon na malaki na ako nakakatanggap pa rin ako ng gifts galing sa kanya.  Kasi naging mabait akong bata at kahit ngayon na malaki na ako, sinusunod ko pa rin ang nanay at tatay ko.  Mahal na mahal ko sila.  Kaya kahit ano ang hilingin ko kay Santa binibigay n’ya sa akin.”  Hindi ko alam kung bakit may bumalik sa aking ala-ala ng mga sandaling iyon.


Pamilyar ang lugar kung saan ako nakaupo kasama ang bata, pati ang mukha ng batang kausap ko. Pinakatitigan kong mabuti.  Hindi ako maaaring magkakamali.  Ang batang kausap ko ay ang sarili ko noong bata pa ako at ang lugar na sinasabi ko ay ang lugar kung saan ako madalas mag-isa tuwing sasapit ang kapaskuhan.  Sa isang lumang bench sa may hardin ng ampunan.  Doon magmumukmok ako at walang sawang hihiling na sana magkaroon na ako ng pamilya, ng magulang na magmamahal at mag-aaruga sa akin.  Oo, isa rin akong batang iniwan na lang sa bahay-ampunan na pinalad magkaroon ng mabubuting magulang na s’yang kumupkop at nagpalaki sa akin.  Mga magulang na kahit hindi nila ako tunay na anak ay binigyan nila ako ng sapat na atensyon at nag-uumapaw na pagmamahal.  Kahit minsan hindi ko naramdaman na iba ako sa kanila.  Hindi ko maitago sa aking sarili ang lubos na pagpapasalamat na dininig ang aking hiling, na magkaroon ako ng matatawag kong sariling pamilya.   Tumulo ang butil ng luha sa aking mga mata habang inaalala ko ang tagpong nagpabago sa aking buhay.


“S’ya ba ang batang aampunin natin mommy?” ang tanong ng lalaki sa kanyang may-bahay.


“Oo daddy, diba ang cute n’ya?  Parang isang anghel ang mukha n’ya,” sabay pisil sa aking pisngi habang nakatitig lang ako sa kanilang mag-asawa na walang pakialam sa nangyayari sa aking paligid.  Ipinantay ng mag-asawa ang kanilang mukha sa akin upang pakatitigan akong mabuti.  Habang hinahaplos ng lalaki ang ulo ko,  “Hijo, mula sa araw na ito hindi ka na magiging ulila.  Nandito na kami ng mommy mo.  Ikaw ang magiging anak namin at kami ang magiging magulang mo.  We’re going to be one big happy family,”  sabay yakap sa akin ng mag-asawa.


Muli kong tinitigan ang batang kausap ko kanina.


“Alam mo bang masaya ako sa kinahinatnan ng buhay mo, kahit pa ampon ka lang, minahal at pinahalagahan mo ang mga taong tumanggap sayo ng buong-buo.  Isinaisang-tabi mo ang katotoohang hindi kayo tunay na magkadugo, mas pinili mo ang paniniwalang sila ang tinakda ng Panginoon para maging magulang mo. Ang pagkakaroon ng matatawag na pamilya ang pinakamagandang regalong natanggap mo sa buong buhay mo.  Alam mo rin kung paanong magbalik ng kaligayahan para sa mga katulad mong ulila.  Ikaw sinuwerte ka, paano naman ang mga batang naiwan dito sa bahay-ampunan?  Sana magkaroon din sila ng mga magulang katulad ng mga magulang ko.  Mapagmahal at mapagkalinga.  At sana katulad mo, pahalagahan nila ang mga taong kukupkop sa kanila at magbibigay ng bago nilang pagkatao,”  ang naging realisasyon ko habang unti-unting naglalaho ang batang kanina lang ay kinakausap ko.  Hilam sa mga matang pinahid ko ang aking luhang dumaloy dito.  Tumayo ako upang bumalik sa loob para tumulong.


“Kuya! Kuya!  Laro naman tayo.” Pagtawag sa akin ng isang bata habang tangan-tangan ang isang bola.


“Halika nga dito.  Lapit ka kay kuya.”  sabay ngiti at lahad ng dalawang kamay na tila nagsasabing handa akong pasayahin s’ya kahit isang araw lang.  Kahit isang araw lang maiparamdam ko sa kanya kung paano magkaroon ng kapatid.  Bakas sa mukha ng bata ang saya kaya naman agad itong tumakbo palapit sa akin at yumakap gamit ang isang bisig habang ang isang kamay ay tangan-tangan pa rin ang bola.

Para sa mga bata sa ampunan wala na silang iba pang mahihiling kundi ang magkaroon ng pamilyang kukupkop at mag-aaruga sa kanila.  Isang pamilya na kukumpleto sa pagkatao nila.  Pamilya na tatanggap sa  kanila at higit sa lahat, isang pamilyang mabibigay ng tunay na pagmamahal.


Ikaw ano ang iyong HILING?





W A K A S

1 comments:

Anonymous said...

i love it.. naiyak ako.. GOSH!!! huhuhu

Post a Comment