Sunday, September 30, 2012

Justyn Shawn



by: Justyn Shawn
email: jeiel08@gmail.com



Napakasaya ko noong pinayagan ako ng aking inay na sumama sa overnight swimming namin. Sadya talagang nakakamiss magtampisaw sa lawak ng karagatan. Asul ang tubig nito at puti ang kulay ng buhangin na talaga namang napakasarap tingnan; nakakawala ng pagod, ng alalahanin at problema sa buhay. Dagdagan pa ng sariwang hangin na dumadampi sa iyong katawan. Nakakarelax.

Ako si Justyn Shawn. Parang pang-ibang lahi ang pangalan. Parang ang gwapo pakinggan pero ang totoo ay kulot ako, sarat ang ilong, makapal ang labi at itim ang kulay ng balat. Negro?, oo. Iyon ako.

"Ita!!! ita!..ita!!!", iyan ang laging bungad sa akin kapag papasok na ako sa aming paaralan. Masakit pakinggan pero hinahayaan ko na lang sila. Nasanay na rin ako sa panunuksong tawag nila sa akin. Hindi lang ang aking kulay ang tampulan nila ng tukso kundi pati ang aking sekswalidad. 

Hindi naman masama kung ita ka, kung ano ang kulay ng iyong balat, kung ano ang katayuan mo sa buhay, kung pangit ka o kung anong sekswalidad meron ka. Ang mahalaga ay ang pakikipagkapwa-tao mo at ang kabutihan ng iyong puso.

Umupo ako sa puting buhangin ng dagat na iyon. Malayo kung saan naroon ang aking mga kamag-aral na nagsasaya upang magmuni-muni. Hindi ko namalayang nasa likuran ko lang ang taong hinahangaan ng lahat. Si Daryl. May kagwapuhan siyang taglay dahil may lahi siyang Amerikano, matipuno, gwapo, mayaman. Parang lahat ng bagay na pwedeng hilingin ay nasa kanya na. Di ko namalayang lumapit siya sa akin habang ako ang nakatutok sa lawak ng karagatan at ninanamnam ang sarap ng simoy ng hangin. 

Nagkausap kami.

Sa mga sandaling iyon, habang nakatitig sa kanyang pagsasalita, parang may kung anong kilig akong nararamdaman. Bawat katagang binibitawan niya ay may kung anong sumusundot-sundot sa aking kaibuturan. Parang musika ang bawat sinasabi niya na napakasarap pakinggan. Dagdagan pa ng pag-aaalalang ipinupukol sa akin. Masarap sa pakiramdam.

Hindi namin alintana ang init ng araw at ang mga mapanghusgang mata na paminsan minsang nakatuon sa amin. Masaya kaming nagkwentuhan ng mga bagay-bagay na naisip namin. Kahit pa man ganito ako, hindi ko kinakitaan sa kanyang ikinahihiya, o pinandidirihan niya ako. Ramdam ko ang sinsiredad sa kanyang mga mata habang patuloy siyang nagkukwento.

Siguro'y napagod din siya kadadada. Napako na lang ang kanyang mga tingin sa lawak ng karagatan. Humiga siya. Huminga ng malalim. Humiga rin akong katabi niya. Maya-maya pa ay hinanap ng kaniyang mga kamay ang aking kamay. Nasumpungan niya ito. Sa pagkakahawak niyang iyon ay ibayong kaba ang aking naramdaman. 'sing lakas ng tambol o higit pa. Parang may kung anong nag-uunahan sa aking dibdib. Hindi ko magawang makakilos o tanggalin ang pagkakahawak niyang iyon. Nanlamig ang aking kamay. Pinisil-pisil niya ito. Halos hindi ako makahinga ng maayos dahil sa kabog ng aking dibdib. Napansin niya iyon. Umupo siyang hindi pinipigtas ang pagkakahawak sa aking mga kamay. Hinila niya ako. Nagpadala lang ako kung saan man niya ako dalhin. Parang isang bagay sa dagat na nagpapatangay sa anod nito. Dumako kami sa likod ng malaking bato malayo-layo kung saan naroon ang iba naming kasamahan. Dito, walang tao. Huni ng ibon, alon ng dagat, at ihip ng hangin ang tanging naririnig namin. 

Masaya ako. Hindi ko maipaliwanag ngunit gusto ko ang nangyayari ngayon. Hindi ko akalaing makakaramdam ako ng ganito; na importante ako. Kung saan pwede ang maging ako. 

Naghabulan kami sa dalampasigan. Naligo kaming dalwa na ang tanging saplot ay panloob lang. Nakakadarang ang kanyang kakisigan. Nakakapang-init ng laman. Nahuli niya akong nakatitig sa kanya. Sinabuyan niya ako ng tubig sa aking mukha. Nakakahiya. Inilubog ko ang aking sarili. Sumisid rin sya. Niyakap niya ako. Hinalikan. Sa ilalim ng tubig-alat nadama ko ang tamis ng una kong halik. 

Umahon na kami. Isinulat niya sa buhangin ang aming pangalan. Puso ang pumapagitna. Muli niya akong hinalikan. Nasisilayan ko ang kanyang matamis na ngiti matapos niya akong halikan.

Sa pagtatakip silim na iyon inilabas namin ang init ng aming katawan. Pinagsaluhan ang pagbibigkis ng aming nararamdaman. Marahan. Banayad ang kanyang mga galaw. Dama ko ang kanyang pagmamahal.

Natapos ang gabing may ngiti sa aking labi. Natulog akong mahimbing na kayakap ang aking minimithi.

Pagdating ng umaga. Sikat ng araw ang bumungad sa aking mga mata. Nagising akong nag-iisa. Wala nang kasama. Hinanap ko siya ngunit di ko makita. Pati pangalan sa buhanging ginuhit niya'y wala na. 


wakas...

0 comments:

Post a Comment